Explanation of “NO” Vote to the Committee Report on the Impeachment Complaint vs. Mrs. Gloria Arroyo
by Bayan Muna Rep. Satur C. Ocampo
2 December 2008


“Doble Kara sa Posisyong ‘Recycled at Rehash’ ang
Gobyernong Arroyo”


Kagalang-galang na Ginoong Speaker, mga kasama dito sa Mababang Kapulungan, mahigpit kong tinututulan ang Committee Report ng Justice Committee na nagbabasura sa inihaing impeachment complaint ng mamamayan.

Sa bisa ng teknikalidad at legalidad, ibinasurang muli ng Komite ang ikaapat na impeachment complaint laban kay Gng. Gloria Macapagal-Arroyo, na siya ngayong matingkad sa kasaysayan na tanging Pangulo ng Pilipinas na sinampahan ng sunud-sunod na impeachment complaint nitong nakaraang apat na taon.

Hindi ganap na sinalamin ang mga naging talakayan at argumentong inihapag naming mga nag-endorso ng reklamong ito na pangunahing isinampa nila Jose De Venecia III, Mrs. Edita Burgos, at Mrs. Erlinda Cadapan, Josefina Lichauco, Harry Roque atbp. Sa diskusyon hinggil sa “sufficiency in substance” ng naturang reklamo, malinaw na inilatag ang mga batayan ng “betrayal of public trust,  culpable violation of the Constitution, bribery at graft and corruption” sa kaso ng NBN-ZTE deal, extrajudicial killings and enforced disappearances, panunuhol sa mga miyembro ng Kamara, pagbenta ng gold reserves ng bansa sa Mt. Diwalwal, Northrail project, fertilizer fund scam, Quedancor scam at ang magpahanggang ngayong hindi saradong isyu ng Hello Garci tapes na nagbibigay duda sa pagka-lehitimo ng pagkapanalo ni Gng. Arroyo  noong eleksyong 2004.

Malaking bahagi ng Committee Report ay “cut and paste” mula sa disisyon  ng Komite sa mga nakaraang impeachment complaints laban kay Gng. Arroyo, dahil umano’y “rehashed” at “recycled” ang isinampang reklamo ngayon. Sa mata ng mayorya, ang bago lang umano ay ang isyu ng panunuhol sa mga miyembro ng Kamara, Mt. Diwalwal, at Quedancor na tinanggihan din sa palusot na wala na umanong tuwirang pagkakasangkot si Gng. Arroyo. Samakatwid, hindi tinignan ang sustansya ng iba pang isyu sa tangi at maling rason na ito na rin ang mga isyung sinampa sa nakaraang mga taon at ibinasura. Ang walang katuturang dahilan ng res judicata (o double jeopardy sa mga kasong kriminal) ay siyang ginamit na tuntungan ng mayorya.

Walang katuturan ito Ginoong Speaker dahil ang mga nakaraang impeachment complaint ay ibinasura batay sa teknikalidad at hindi tinalakay ang merito. Paanong magiging “recycled” ang isang bagay na hindi tinalakay?
 
Inilahad ko sa Komite at sa Kamara ang direktang pananagutan ni Gng. Arroyo sa serye ng mga pagpaslang at pagdukot sa mga aktibista. Hindi ba recital of fact na nagpapatuloy ang mga ito sa kabila ng mariing kondemnasyon sa gobyernong Arroyo mula sa ibayong bansa? Hindi ba fact o katotohanan na matapos ilabas ang findings at recommendations ni United Nations Special Rapporteur on Extrajudicial, Summary or Arbitrary Executions Prof. Philip Alston, ay hindi inalis ni Gng. Arroyo ang extrajudicial killings sa counter-insurgency program na Oplan Bantay Laya I at II na nagtatarget sa mga aktibista? Hindi ba katotohanan na si Gng. Arroyo pa mismo ang nagpahayag noong Marso 11, 2007 ng pagpapatuloy ng  Oplan Bantay Laya II?

Hindi ba katotohanan na pinapanatili ni Gng. Arroyo ang Inter-Agency Legal Action Group (IALAG) na binuo sa kanyang Executive Order 493 at  ang pangunahing papel ay magsampa ng mga pekeng kaso tulad ng rebelyon sa aming mga progresibong kinatawan at lider ng mga organisasyong masa? Hindi ba fact o katotohanan na imbes na papanagutin si dating Gen. Jovito Palparan, Jr. ay dalawang beses pa niya itong itinaas ng ranggo noong SONA 2006 ay pinapurihan pa? Patutsada lang ba at haka-hakang hinayaan ni Gng. Arroyo bilang Commander-in-Chief ng Armed Forces of the Philippines ang patuloy na pagpaslang at pagdukot ng mga aktibista na ang kanyang mga sundalo ang pangunahing isinasangkot?

Ginoong Speaker, mga kasama sa Kamara, hindi ba katotohanan na lalo sa Timog Katagalugan, Gitnang Luson, Bikol, Silangang Visayas,  at Timog Mindanao ay  marami sa ating mga constituents, kapwa aktibista at hindi, ang naging biktima ng mga extrajudicial killings at enforced disappearances mula 2001? Sino ang mananagot dito?

Sa paggamit ng napakahigpit na pamantayang legal sa isang prosesong sa salalayan ay pulitikal,  pinapahirapan ng Kamara ang mga mamamayang nagrereklamo at humihiling na madinig sila. Sa pagtrato sa impeachment proceeding na tila nasa Korte tayo ay epektibong inaalisan natin ang ordinaryong mamamayan ng kanilang tanging karapatan sa ilalim ng Konstitusyon na papanagutin ang pinakamataas at pinakamakapangyarihang opisyal ng bansa. Sapat ang sustansya ng nakasampang reklamo para iangat sa susunod na yugto, at ito ay ang pagbibigay pagkakataon sa inaakusahan – si Pangulong Gloria M. Arroyo -- na sagutin ang mga kasong nakaharap sa kanya. Ngunit pinigil na ang proseso sa yugtong ito. Mananatiling bitin ang mga kaso at usapin sa isipan ng mamamayan.

Ang kinatawan pong ito ay maraming beses nang kinasuhan ng mabibigat na krimen – subersyon, rebelyon, murder, kidnapping with serious illegal detention, illegal possession of firearm in pursuit of rebellion – nitong nakaraang halos 20 taon. Lahat ng mga kaso ay hinarap ko – at hinaharap sa kasalukuyan – kahit na paulit-ulit o “rehashed” at “recycled” ang mga ito at napawalang-sala na ako ng mga korte sa naunang mga habla.

Ngunit sa paghahapag ng mga kasong impeachment ng mamamayan at inendorso namin, dagliang dinismis sa teknikalidad ang mga ito, at ayaw nang pakinggan ng Committee on Justice dahil daw “recycled” at “rehashed.” Dito po makikita ang dalawang magkaibang posisyon ng administrasyong Arroyo – okay lang ang mga “recycled” at “rehashed” na kaso laban sa akin at sa iba pa,  pero hindi pwede kay Gloria Macapagal-Arroyo. 

I vote NO, Mr. Speaker. #
 

Posted on Dec 02 by admin
 
   
© 2008 Copyright Bayan Muna Partylist